Friday, April 17, 2009

Katarungan at Katotohanan

Magkapatid ang katarungan at katotohan. Nakabatay ang ating pananaw sa kung ano ang makatarungan sa kung ano ang ating alam na totoo ukol sa isang sitwasyon. Sa kaso ng pamilya ni Ted Failon, ayon sa mga direktang pahayag nila sa midya, malinaw na ang isang bagay: para sa kanila, hindi na usapin ang katarungan para sa kanilang pumanaw na ina. Para sa kanila, malinaw na ang katotohanan sa sinapit ni Trina.

Ang usapin na ngayon para sa pamilya Failon ay ang katarungan para sa buong pamilya at para sa kanilang mga kasambahay bunsod ng di-makataong trato sa kanila ng mga dapat tinuturing pa naman na alagad ng batas at katarungan — ang ating mga pulis.

Kailanman, di makukuha at mapapalago ang katotohanan sa pamamahitan ng dahas at kawalan ng puso’t damdamin. Kung nais ng mga pulis na makuha ang katotohanan at katarungan mula sa sanlibo’t isang nakabinbin na mga kaso sa ating lipunan, ituwid nila ang kanilang mga sarili! Sa ginawa nilang pambabastos at pandarahas sa pamilya Failon at sa pinakita nilang kawalan ng puso sa isang pamilyang nagdadalamhati, pinalago lamang nila ang kawalan ng katarungan.

Bilang bahagi ng kabataan, nakikiisa ako sa panawagan ng anak ng pamilya Failon. Nais ko rin ng katotohanan sa usaping ito subalit hindi sa ngalan ng pagmamalabis at pandarahas. Dapat turuan ang mga pulis na ito. Ipatanggal sila sa puwesto!

0 comments:

Post a Comment